
Filipino 11: Malayuning Komunikasyon | Ikalawang Semestre, TP 19-20 | Joshua Patrick B. Mejos
Ang Signipikansya ng Pokémon sa aking Kabataan
Ang aking kwento
Noong Ako’y Bata Pa Lamang…
Noong ako’y bata pa lamang, mahilig ako maglaro ng mga video games dahil ang pinakaunang regalo sa akin ng aking mga magulang ay ang gadyet na Gameboy Advance1. Maalala ko pang ilang oras akong naglalaro nito hangang sa umabot ito sa puntong kumpiskahin ito ng aking magulang dahil halos buong araw akong naglalaro ng mga iba’t ibang klaseng laro at pag pumunta kami ng pamilya ko sa mga mall para magpasyal, lagi akong pumipilit na bumili ng mga game cartridge na naghahalagang 500 pesos sa Toy Kingdom o sa Toys R Us.
Ang isa sa unang mga laro na ginamit ko sa aking Gameboy Advance ay ang Pokémon: Sapphire Version. Dati hindi malaki ang tingin ko sa larong ito dahil nakabase lamang siya sa isang cartoon na paminsan ko lamang pinapanood sa Cartoon Network. Hindi ko akalain na ang simpleng laro na ito ay magdadala ng malaking impluwensya sa aking buhay hanggang sa kasalukuyan.
“Hindi ko akalain na ang simpleng laro na ito ay magdadala ng malaking impluwensya sa aking buhay hanggang sa kasalukuyan.”
– Joshua Mejos
Ano ang Pokémon?
Ang mga Pokémon ay nilikha ni Satoshi Tajiri noong mga 1990’s nang nakita niya ang dalawang batang naglalaro gamit ang kanilang lumang Gameboy na nakakabit sa isa’t isa. Inisip niya kung mayroong mga insektong nakakabit sa kanilang mga Gameboy at dito nagmula ang ideya ng mga Pokémon2. ito ay mga nilalang o mga hayop na mayroong sariling mga kakayahan na ginagamit upang labanan ang ibang kauri nila o ang tao. Dumadating sila sa iba’t ibang laki at hugis, pwede sila kasingliit ng kamay ng tao o kasing laki ng isang napakataas na gusali3.
Sa mundo ng Pokémon, ang mga tao ang ang mga Pokémon ay nabubuhay ng kasama ang isa’t isa. Hindi lahat ng mga Pokémon ay mayroong Trainer, ang iba ay nabubuhay sa kagubatan o sa mga malayong lugar ng mag isa o may mga kasamang kauri nila. Maihahambing sila sa mga hayop sa totoong buhay, ngunit sa mundong ito ang mga Trainer ay may hawak na mga Pokémon at tinuturuan nila ito na lumaban sa mga ibang mga Pokémon ng ibang Pokémon Trainer upang tumaas ang kanilang lebel at sila ay magbagong uri o mag evolve sa mas malakas na uri nila4. Ang pinakamagaling na Trainer sa buong mundo ng Pokémon ay ang kampeon at ang may hawak ng pinakamalakas na Pokémon.
Ang mga Pokémon ay mayroong labingwalong uri ng kapangyarihan, ito ay ang normal, laban, lumilipad, lason, lupa, bato, insekto. multo, bakal, apoy, damo, tubig, elektriko, telepatiya, yelo, dragon, kadiliman at diwata5.
Nang matapos ko ang larong iyon…

Nang matapos ko ang larong iyon, tumaas ang aking interes sa mundo ng Pokémon. Naging mataas ang aking interes sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa Pokémon dahil ang larong iyon ay mayroong malaking tama sa aking mapanlikha na kaisipan. Nagustuhan ko ang progreso ng aking karakter mula isang taong baguhan hanggang sa naging kampeon ako ng lahat ng mga Pokémon Trainors sa larong iyon.

Naisip ko na ako talaga yung karakter ng nilalaro ko, na ang lahat ng mga naging kaibigan ko sa larong iyon ay mga kaibigan ko sa totoong buhay. Naging takas ko sa pagkainip ng aking totoong buhay ang paglalaro ng Pokémon tuwing may oras ako. Para kasing pumapasok ako sa isang bagong mundo pag naglalaro ako nito, hindi ko naiisip ang mga problemang nangyayari sa aking buhay at iisa lamang ang aking naiisip sa larong iyon, at iyon ang maging ang pinakamagaling na Pokémon Trainer sa buong mundo.

Habang tumatagal, tumaas ang aking interes sa iba’t ibang laro ng Pokémon sa Gameboy Advance. Nangolekta ako ng maraming bersyon ng Pokémon, isa-isa akong gumawa ng aking sariling pakikipagsapalaran sa mga larong iyon. Marami ang aking mga karakter at nakakuha ako ng iba’t ibang klase ng mga Pokémon lalo na ang mga lehendaryo na uri nito. Munting kaligayahan ko ang paglalaro nito dahil naiisip ko na marami akong mundong nalalakbay, dumadami ang aking mga kaibigan at nagiging kampeon na ako sa iba’t ibang lugar sa uniberso ng Pokémon. Para na rin akong naging sariling bersyon ni Ash Ketchum o bida sa aking sariling mundo.
Nagsimula na rin akong manood ng iba’t ibang mga teleserye at mga pelikula ng Pokémon dahil gusto ko malaman ang kwento sa buhay ng nangungunang karakter na si Ash Ketchum at kung mahihahambing ko ito sa aking sariling buhay.
“Para na rin akong naging sariling bersyon ni Ash Ketchum o bida sa aking sariling mundo.”
– Joshua Mejos
Ngunit nang ako ay tumanda na…
Sa kasamaang palad, noong ako ay tumanda na at pumasok sa huling bahagi ng elementarya, unti-unting nawala ang aking interes sa paglalaro ng Pokémon dahil marami na akong iniisip at lumalaki na ang aking responsibilidad bilang estudyante. Parang pinabayaan ko ang mundong nagpapasaya sa akin araw-araw noong bata pa lamang ako.
Sapagkat malapit na akong magtapos ng pag aaral sa elementaryo at papasok na ako sa hayskul ginusto kong umakyat sa entablado na mayroong karangalan. Kinailangan kong doblehin ang aking kusa sa pag aaral at paghahanda para sa mga pagsusulit upang makapasok ako sa magandang hayskul sa aking lungsod, dahil ito ang magiging isang daan para makapasok ako sa magandang kolehiyo pagtanda ko. Dito ko nang lubos na makalimutan ang paglalaro ng Pokémon, nawala ang aking Gameboy Advance at ang iba’t ibang game cartidges nito at hanggang ngayon hindi ko na mahanap.
“Parang pinabayaan ko ang mundong nagpapasaya sa akin araw-araw noong bata pa lamang ako.”
– Joshua Mejos
Patuloy ang daloy ng aking buhay…




Patuloy ang daloy ng aking buhay nang pumasok ako sa hayskul. Nagkaroon ako ng maraming kaibigan at parang mas dumikit ako sa realidad ng buhay. Hindi na ako masyadong nag iisip ng pantasya dahil lagi na akong lumalabas ng bahay at sumasama sa aking mga kaibigan. Inaamin ko, dito ako nagsimulang uminom at magkaroon ng mga hindi magagandang bisyo sa aking buhay. Ilang taon ang lumipas nang walang malaking nangyari sa buhay ko, maalala kong nag aaral lamang ako, lumalabas kasama ang aking mga kaibigan at natutulog sa bahay pag may oras ako.

Mabilis ang daloy ng aking buhay, isang araw napagtanto kong malapit na pala akong magtapos sa hayskul at papasok na ako sa kolehiyo. Nagsimula na akong magtanong tungkol sa mga kinakailangang ipasa para kumuha ako ng pagsusulit sa mga malalaking kolehio sa Maynila.
Isang araw, bigla kong nakita ang trailer ng isang bagong pelikulang nangangalang Pokémon: Detective Pikachu. Naisip ko ulit yung mga pinagdaanan ko at ang mga alaala ng aking kabataan, ang iilang oras na ginamit ko para makakuha ng magandang Pokémon at ang mga tropeo na nakuha ko sa pagpapatalo ng mga mahusay na Pokémon Trainers sa iba’t ibang bersyon na nilalaro ko sa aking lumang Gameboy Advance.
Hindi na bumalik ang interes ko sa Pokémon nang makita ko ang trailer ng pelikulang iyon. Gayunpaman, napanood ko ang pelikula kasama ang aking mga kaibigan nang ito ay lumabas sa mga sinehan. Hindi na naging magitla ang aking naramdaman at hindi na ako nag pantasya ng aking pakikipagsapalaran sa mundo ng Pokémon. Malungkot man isipin pero mas mabigat na ang responsibilidad at and realidad ng buhay ko ngayon kung ikukumpara sa aking sariling pantasya.
Dito ko na rin natuklasan na hindi huminto ang paguunlad ng Pokémon. Mayroon na silang laro sa mga smartphone ngayon na Pokemon Go at ang mga larong nilalaro ko noon sa Gameboy Advance ay malalaro na ngayon sa Gameboy Emulator na madaling idownload sa mga smartphone.
Masakit man isipin na hindi ko na kinagigiliwan ang larong Pokémon, pero nagpapasalamat ako dahil dito nagsimula ang aking pagiging malikhain. Sa paglalaro ng Pokémon sa isang simpleng Gameboy Advance ay natuklasan kong isang malaking pakikipagsapalaran ang aking buhay kahit wala akong Pokémon na hawak.
Dito ako natutong makipagtalik sa mga hindi ko kilalang tao para maging kaibigan ko sila, dito ako natutong magkaroon ng patitiwala sa sarili upang habulin ko ang aking mga hangarin sa buhay tulad ng hangarin ko noon na maging pinakamagaling na Pokémon Trainer sa mundo. Dito ko natuklasan na marunong akong magmahal ng isang bagay na hindi naman tao. Kaya kahit hindi na ganon kataas ang interes ko sa Pokémon ay nagpapasalamat ako sa mga alaalang binigay nito sa akin.
Talasanggunian
- 1Magpie, Serhio. “Gameboy Advance.” commons.wikipedia.org, August 29, 2010. https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Gameboy-Advance-SP-Mk2.jpg.
- 2“What Is Pokemon.” Nintendo.com.au. Accessed February 18, 2020. https://www.nintendo.com.au/what-is-pokemon.
- 3“Satoshi Tajiri.” Satoshi Tajiri – Bulbapedia, the community-driven Pokémon encyclopedia. Accessed February 18, 2020. https://bulbapedia.bulbagarden.net/wiki/Satoshi_Tajiri.
- 4“Pokémon Trainer.” Bulbapedia, the community-driven Pokémon encyclopedia. Accessed February 18, 2020. https://bulbapedia.bulbagarden.net/wiki/.
- 5“Types of Pokémon.” Pokémon Wiki. Accessed February 18, 2020. https://pokemon.fandom.com/wiki/Types.
- “Pokemon Gameboy Wallpaper.” WallpaperSafari. Accessed February 18, 2020. https://wallpapersafari.com/pokemon-gameboy-wallpaper/.
- “Pokémon Sapphire.” Nintendo of Europe GmbH. Nintendo. Accessed February 18, 2020. https://www.nintendo.co.uk/Games/Game-Boy-Advance/Pokemon-Sapphire-267178.html#.
- “Main Character Boy – Characters & Art – Pokémon Omega Ruby and Alpha Sapphire: Pokemon, Pokemon Omega Ruby, Pokemon Omega.” Pinterest. Accessed February 18, 2020. https://www.pinterest.ph/pin/309341068129314137/.
- Navarro, Henry. “manof2moro.” A.R.C.H.I.V.E., December 19, 2016. https://manof2moro.tumblr.com/post/154656562680.
- Unknown. “GameBoy Advance (GBA).” intopokemonworld.blogspot.com, September 8, 2011. http://intopokemonworld.blogspot.com/2011/09/pokemon-gba-games.html.
- Yukama, K. “Pokémon- Destiny Deoxys Trailer .” youtube.com, August 10, 2011. https://www.youtube.com/watch?v=KNmPC3xiyKM.
- “POKÉMON Detective Pikachu – Official Trailer #1.” www.youtube.com, November 8, 2018. https://www.youtube.com/watch?v=1roy4o4tqQM.
- Hanke, John. “Discover Pokémon in the Real World with Pokémon GO!” www.youtube.com, September 9, 2015. https://www.youtube.com/watch?v=2sj2iQyBTQs.
- “Pokemon HD Wallpapers.” WallpaperAccess. Accessed February 18, 2020. https://wallpaperaccess.com/pokemon-hd.
- Chase (game). (n.d.). Retrieved February 17, 2020, from https://bulbapedia.bulbagarden.net/wiki/Chase_(game)https://bulbapedia.bulbagarden.net/wiki/Chase_(game)




